katoliko at Yahoo! Groups
Thursday, August 13, 2009
Maria, Ina ng Diyos
Bakit nga ba natin pinapahalagahan si Maria sa Iglesiya Katolika? Siguro ay napapansin lang ng marami sa atin na tila kakaunti lang nasusulat kay Maria sa mga Ebanghelyo. Tila din na higit na mahirap na makabasa na patungkol kay Maria sa Lumang Tipan ayon sa mga ibang mga tao. Magandang mabuksan natin ang mga isip ng ating mga kapatid na ang mga tao, imahen, bagay at pangyayari sa Lumang Tipan ay mga anino ng mga realidad sa Bagong Tipan. At dahil dito, marapat lamang na maisulat natin ang artikulo na ito tungkol sa pagiging katuparan ni Maria bilang Kaban ng Tipan o sa Ingles, "Ark of the Covenant."
Maria sa Bagong Tipan: "Hail, Full of Grace!"
Gaano nga ba kahalaga sa atin si Inang Maria? Saan makikita sa Banal na Kasulatan ang kanyang kahalagahan? Sa Lucas 1:28, mababasa ang ganito, "Pumasok ang angehel at sinabi sa kanya: matuwa ka , O puspos ng grasya. sumasaiyo ang Panginoon". Bakit tinawag ng anghel si Maria bilang "Puspos ng Grasya " o "Full of Grace"? Malalaman natin ang plano ng Diyos para sa kanya sa pagninilay natin sa pagbati sa kanya ng anghel.
Ang salitang "puspos ng grasya "ay salin mula sa salitang Griego na "kecharitomene". na nagsasabi ng katangian ni Maria. Ayon sa Catholic.com, "The grace given to Mary is at once permanent and of a unique kind. Kecharitomene is a perfect passive participle of charitoo, meaning "to fill or endow with grace." Since this term is in the perfect tense, it indicates that Mary was graced in the past but with continuing effects in the present....In fact, Catholics hold, it extended over the whole of her life, from conception onward. She was in a state of sanctifying grace from the first moment of her existence."
Ang mga kataga na nabanggit ay nagsasabi na siya ay matagal nang puno ng grasya at nananatiling puno ng grasya. Higit pa dito, siya ay puno na ng grasya at walang kasalanan mula pa nang siya ay ipaglihi,
Sa Lumang Tipan, Maria ang Kaban ng Pakikipagtipan
May makikita ba tayo sa Lumang Tipan tungkol sa gagampanang tungkulin ni Inang Maria bilang Ina ng Diyos? Marahil ay inyo nang napakinggan ang isa sa mga titulo ni Maria bilang "Ark of the Covenant" o Kaban ng Tipan. Makakatulong na maunawaan natin ang kahulugan ng dasal na ito sa pagliliwanag ng mga nasusulat kay Maria sa Lumang Tipan. Ano nga ba ang Kaban ng Tipan? Bakit natin isinasama ang Kabang ng Tipan sa ating dasal? Ano ang kaugnayan ng Kaban ng Tipan kay Inang Maria?
Ang Kaban ng Tipan ay naglalaman ng utos ng Panginoon, ng tinapay na nagmula sa langit o mana at ng tungkod ni Aaron bilang punong saserdote. Napakahalaga ng Kaban na ito para sa mga Israelita. Sa katunayan, ibinigay pa nga ng Panginoon ang mga utos kung papaano gagawin ang Kaban na ito (Exodo 25:10-21). Makikita natin, tangan-tangan nila ito nang paikot sa Lungsod ng Jericho hanggang gumuho ang muog ng lunsod matapos na gawin nila ang iniutos ng Diyos
Sa paglalakbay ng mga Israelita sa disyerto, kasama nila ang Kaban ng Tipan. Tuwing bubuhatin nila ang kaban, magsasabi sila nang "Tumindig ka, Yawe, at pangalatin ang iyong mga kaaway; magsitakas nawa sa harap mo ang mga namumuhi sa iyo" at sa pagbababa nito, "Bumalik ka, Yawe, sa di mabilang na libu-libo ng Israel" (Bilang 10:33-36). Makikita din natin na ang Kaban ay pinanggagalingan ng pagpapala tulad ng mababasa sa 2 Sam 6:11. Kasama nila ito sa kanilang pakikidigma.
Ano ang nangyari sa kaban? Mababasa natin ang pagpapatuloy ng mga pangyayari sa 2 Mac 2:5-8. Itinago ni Jeremiah ang Kaban sa isang kuweba . May mga sumunod sa kanya ngunit hindi pa din nila nakita kung saan niya ito itinago. Nakasaad sa Banal na Kasulatan ang ganito: "Nagbalik ang ibang sumama sa kanya para lagyan ng tanda ang daan, ngunit di na nila natagpuan iyon. Nabalitaan ito ni Jeremias at sinumbatan sila nito at sinabi: 'Mananatiling sikreto ang pook na ito hangga’t di naaawa ang Diyos sa watak-watak niyang bayan at tipunin sila. At muling ibubunyag ng Panginoon ang mga bagay na ito at makikita kasama ng ulap ang kanyang Luwalhati, kung paano ito nakita sa kapanahunan ni Moises at nang hilingin ni Solomon sa Diyos na puntahan at pakabanalin ang kanyang Bahay.'” Sinasabi na ang pangyayari na ito ay naganap noong 587 B.C.
"Ang Luma ay naibunyag sa Bago. Ang Bago ay nakatago sa Luma"-San Agustin
Pinaalala natin kanina na ang mga tao, bagay at pangyayari na nakasulat sa Lumang Tipan ay mga anino ng mga magaganap sa Bagong Tipan. Lalo nating mauunawaan ang Bagong Tipan sa pag-aaral ng mga pagkakahanay ng mga nilalaman nito sa Lumang Tipan. Sa ating mga pagbasa tuwing Linggo, at madalas sa mga Kapistahan ng Simbahan, kapansin-pansin ang kaugnayan ng Unang Pagbasa sa Lumang Tipan at sa babasahing Ebanghelyo. Gayundin naman, masasaksihan natin ang kahalagahan ni Inang Maria para sa atin at kung ano ang plano ng Diyos para sa kanya sa ating pag-aaral ng kabuang mensahe ng Salita ng Diyos.
Sa libro ng Pahayag o Revelation, makikita natin na may sinasabi tungkol sa Kaban ng Tipan. Mababasa sa Rev 11:19 ang "Nabuksan ang templo ng Diyos sa kalangitan at nakita ang Kaban ng kanyang Tipan sa loob ng kanyang templo. At saka may kidlat, ugong at kulog may lindol din at umuulan ng mga batong yelo." Ang talatang ito ang huling bahagi ng ika-11 na kabanata. Kung itutuloy natin ang pagbasa, ang talata ay sinundan sa Rev 12:1 "May lumitaw na dakilang tanda sa langit: isang babaeng nadaramtan ng araw; nasa ilalim ng kanyang mga paa ang buwan at korona naman sa kanyang ulo ang labindalawang bituin." Kung titignan natin ang kaugnayan ng mga magkadugtong na mga talata, maliliwanagan na ang mensahe nila ay iisa. Samakatuwid, ang pagbasa ng iisang mensahe ng Rev11:19-12:2, ay nagsasaad ng kung nasaan ang Kaban ng Tipan.
Matapos ng mga 6 na siglo mula ng maitago ni Jeremias ang Kaban, sinabi ni Juan na nakita muli ito. Ang Kaban ay ang Babaeng nadaramtan ng araw, ang ating Ina na si Maria! Nang isulat ni Juan ang Libro ng Pagbubunyag, hindi ito nahahati sa mga Kabanata at sa ganitong paraan ng pagbasa, madali nating makikita ang kaugnayan ng nasusulat sa Rev 11:19 sa sumusunod na verses sa 12:1: "Nabuksan ang templo ng Diyos sa kalangitan at nakita ang Kaban ng kanyang Tipan sa loob ng kanyang templo. At saka may kidlat, ugong at kulog may lindol din at umuulan ng mga batong yelo... May lumitaw na dakilang tanda sa langit: isang babaeng nadaramtan ng araw; nasa ilalim ng kanyang mga paa ang buwan at korona naman sa kanyang ulo ang labindalawang bituin"
Inang Maria , ang Bagong Kaban ng Tipan!
Masasaksihan natin ang kaugnayan ni Maria sa Kaban ng Tipan sa pagbasa ng Ebanghelyo ni San Lucas. Mayroong mga salita na ginamit ang Ebanghelista na tunay na makakatawag pansin sa bawat Israelita na makakabasa ng sinulat niya. Ang mga ito ay magpapaalala ng tungkol sa Kaban. Halimbawa, isinulat ni San Lucas ang ganito: "Nang mga araw na iyo'y nagmamadaling naglakbay [arose and went] si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda" (Lucas 1:39). Sa Lumang Tipan, mababasa sa 2 Sam 6:2 ang: "Siya[David] at lahat ng kasama niya pa-Baala ng Juda ay lumakad [arose and went] para dalhin mula roon ang Kaban ng Diyos...". Mababasa din ang sinulat ni San Lucas sa Lucas 1:43: "Sino nga ba naman ako't naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon?". Magkatulad ding mga salita ang nabanggit ni David nang makita niya ang Kaban:"Natakot si David kay Yawe nang araw na iyon at sinabi: 'Paano makararating sa aking ang Kaban niYawe?'" (David feared the LORD that day and said, "How can the ark of the LORD come to me?") (2 sam 6:9). Kung mababasa na sumayaw (leapt for joy) si David sa harap ng kaban(2 Sam 6:14.16), sumikad naman sa tuwa (leapt for joy) sa sinapupunan ni Elizabeth si San Juan Bautista(Lucas 1:44). Kung nanatili sa bahay ni Obed-Edom ang Kaban at pinanggalingan ito ng pagpapala(2 sam 6:11), gayon din naman na si Inang Maria ay nanatili nang kasama ni Elizabeth ng Tatlong buwan(Lucas 1:56).
Sa mga talatang nabanggit, 'di maitatanggi na nais iparating ni San Lucas na si Maria ang Bagong Kaban ng Bagong Tipan. Kapansin-pansin na sa unang kabanata ng Lucas, nagbigay na ng maraming palatandaan si San Lucas upang matiyak na maging malinaw ang gagampanan ni Maria sa Bagong Tipan ng Diyos.
Naglaman ang Kaban ng tatlong bagay: ang Sampung utos, tinapay na manna, at ang tungkod ni Aaron na simbolo ng kaparian. Sa Bagong Tipan, na ating panahon ngayon, may pagkakahanay din na nangyari. Sa kanyang sinapupunanan, nanduon ang pinagagalingan ng Batas ng Grasya at Katotohanan, ang mismong Tinapay ng buhay , at tanging Punong-pari ng Bagong Tipan.
mga pinagkuhanan:
catholic.com
scripturecatholic.com
Hail Holy Queen by Scott Hahn
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment